There is a time for departure even when there is no certain place to go. - Anonymous
"Hello?"
"Is this Nicole's mom?"
"Well, she passed out. I don't know where she lives or whatever, can you please pick her up and take her home?"
"We're in OJs in Eastwood."
"Ok. I'll accompany her for a while until you get here. Good bye."
Binababa ng nanay ni Nicole yung telepono. Mga fifteen minutes daw andito na siya. Tiningnan ko si Nicole. Natutulog pa rin. Hay naku, pinag-alala mo pa ako kung anong gagawin ko sa 'yo. Ano kayang gagawin ko kung hindi ko nahanap number nyo sa bahay sa cel mo? Mag-a-ala Sassy Girl ako at dadalhin kita sa motel? Tapos maaaresto ako dahil kinidnap daw kita? Ngek. Ayokong mangyari sa akin 'yun! Tama nang mapanood ko sa DVD ang mga ganun.
Ilang minuto na ang lumipas pero hindi pa din dumadating ang nanay nya. Pinagmasdan kong mabuti si Nicole at napangiti ako. Kakaiba itong gabing ito. Hindi ko alam kung paano nangyari ito pero... ewan. Marahil ay ito na rin ang huling gabing makikita ko sya pero ayos lang. Hindi ba't lahat ng panaginip ay natatapos rin?
Tumingin na lang ako sa malayo at hinayaan siyang matulog. Pinagmasdan ko na lang ang Eastwood. Buhay na buhay pa rin ang lugar na ito kahit alas tres na ng umaga. Ito ang nightlife. Ito ang mundong kinalakihan ko. Pagkatapos ng gabing ito, balik na naman ulit sa ganitong buhay. Ganyan talaga, mahirap baguhin ang ganitong mga bagay.
"Excuse me, are you the one who called me?" sabi ng isang boses sa likod ko. Tumayo ako at humarap sa pinanggalingan ng boses. Maganda ang babae pero may edad na. Mga nasa early 40's ang edad. Pero teka. Kung siya yung kausap ko kanina, siya yung nanay ni... Nicole.
"Yes, Mrs. Mendez..." sabi ko sabay pahiwatig sa upuan kung saan nakatulog si Nicole.
Hindi na ako pinansin ni Mrs. Mendez at daliang lumapit sa anak niya. Hinawakan niyang mabuti at tiningnan kung may nangyaring masama sa kanya.
"Ano ba namang nangyari sa iyo Nicole? Sana matuto kang alagaan ang sarili mo ng mabuti. Pinag-aalala mo ako ng husto..." sabi ni Mrs. Mendez sa boses niyang puno ng pag-aalala.
'Langya. Pa-ingles-ingles pa ako e marunong naman palang mag-Tagalog. Nakakagulat rin kahit papaano. Parang napakabait niya. Tinatangkang buhatin ni Mrs. Mendez ang kanyang anak. Lumapit ako sa kanila.
"Ma'am, ako na po. Ituro nyo na lang po kung nasaan yung kotse nyo at ako na ang bahala."
Tumingin sya sa akin at nag-oo.
Pinuwesto ko ang kaliwang kamay ko sa may batok ni Nicole at ang kanang kamay naman sa mga binti niya. Binuhat ko siya. Hindi naman siya ganon kabigat, ayos lang. Tumingin ako sa nanay ni Nicole.
"Tara na po."
Tiningnan nya ako at dahan-dahang naglakad papunta sa parking lot. Hindi pa ganon kalayo ang nararating namin noong biglang niyakap ako ni Nicole. Dahan-dahan kong naramdaman na namumutla ang pisngi ko. Shet. Hindi ito panahon para mamula ako. Baka makita pa ako ng nanay nya, nakakahiya naman. Concentrate Yomz. Concentrate! Tiningnan ko siya. Tulog pa naman. Marahil ay ganito rin ang reaksyon nya kapag kinakarga siya ng ganito ng boyfriend nya.
Tumigil ang nanay nya sa isang asul na BMW. Wow. Ganyan talaga ang mga big time. Binuksan ng nanay nya ang pinto sa may likuran. Dahan-dahan kong nilagay si Nicole sa loob. Sinigurado kong walang mangyayari sa kanya. Noong nakakasigurado na ako, sinara ko na yung pinto. Hinarap ko ang nanay niya.
"Salamat iho ha. Pagpasensiyahan mo na anak ko, masyadong nadadala kasi minsan..." sabi niya.
"Ayos lang naman po. Sige po tuloy na ako..." sabi ko sa kanya. Tumalikod ako ngunit bago ako nakahakbang, naramdaman kong may humawak sa aking kamay. Humarap ako.
"Sandali lang iho. Paano ka uuwi? Hatid na lang kita..." sabi niya. Maganda sana pero...
"Salamat na lang po, pero may sarili akong kotse..." sagot ko.
"Ah ok. Sige. Ingat ka na lang. Salamat ulit ha." sabi nya. Ngumiti na lang ako at muling tumalikod. Naglakad ako palayo. Ano ba iniisip ko? Wala naman akong dalang kotse ngayon. Ba't hindi ako pumayag?
Ngumiti ako. Hindi. Alam ko pala kung bakit. Lumalayo na ako habang maaga pa. Baka ewan. Isa lamang itong panaginip at nararapat lang na tapusin ko na ito dahil baka hindi na ako magising. Baka ayaw ko na gumising. Tumingin ako sa malayo.
"Paalam babae ng aking panaginip..."
No comments:
Post a Comment